Sino si Ka Armando Catapia?


(Inilalathala ngayon, sa ika-30 taong ng kanyang pagkamartir, ang maikling salaysay sa buhay at pakikibaka ni Ka Armando Catapia. Mula ito sa pakikipanayam sa mga dating kasama, lalo na kay Ka Arafat, dating kadre na gumabay kay Catapia. Noong Agosto 2016, namatay sa sakit si Ka Arafat. Isinaayos ng istap ng Tilamsik.)

Si Kasamang Armando Catapia, na mas kilala natin sa pakikibaka bilang Ka Chito o Ka Mario, ay ipinanganak sa Tagkawayan, probinsya ng Quezon. May lahing Batanguenyo ang kanyang pamilya. Sa Quezon siya nakapagtapos ng elementarya, at dahil sa kalagayang hirap sa buhay, hindi na siya nabigyan ng pagkakataong makapagpatuloy ng pag-aaral sa hayskul. Ngunit hindi ito naging hadlang, at sa kanyang pagsusumikap, marami siyang natutunang aralin, kabilang na ang pagbabasa ng Ingles.

Masipag si Ka Chito. Napaunlad niya, sa pamamagitan ng pagtatanim ng niyog at pag-alaga ng palayan, ang kanyang naipundar na maliit na lupain. Kasama ang kanyang asawa, nabuo dito ang pamilya at nagkaroon sila ng limang anak.

Si Ka Chito ay kabilang sa mababang saray ng magsasaka na nakararanas ng pagsasamantala mula sa asyenderong may-ari ng kanilang lupang sinasaka. Ito rin ang naging tuntungan niya para siya ay mamulat at kumapit sa rebolusyon.

Huling bahagi ng dekada ‘70, panahon ng paglalatag ng rebolusyonaryong kilusan sa hangganang Quezon-Bikol, nang siya ay maugnayan ng mga kasama at mabigyan ng mga pag-aaral. Mula sa pagiging ugnay, naging isang mahusay na aktibistang masa at organisador si Kasamang Chito. Pursigido at mabilis niyang napangunahan ang pagbubuo ng mga ganap na samahang masa mula sa isang baryo tungo sa iba pa. Isa rin siya sa mga nagbukas at nagpalakas ng mga rebolusyonaryong gawain sa kanilang lugar sa kabila ng matitinding hagupit ng pasistang kaaway sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Noong unang bahagi ng dekada ‘80, sumumpa siya bilang Kandidatong Kasapi ng Partido. Kalaunan, nag-aral siya ng BKP (Batayang Kurso ng Partido) at sumumpa bilang Ganap na Kasapi ng Partido.

Pinangunahan niya ang pagmobilisa ng malawakang kilos protesta sa bayan ng Tagkawayan noong bahagi ng 1981-1982, kung saan naganap ang pagmamasaker ng mga berdugong militar sa mga nagrarali. Maraming magsasaka ang nagbuwis ng buhay at nasugatan, subalit mas lalo itong nagpaalab sa damdamin ni kasamang Chito na magpursige sa mga gawain.

Noong 1983, inihalal siya bilang kalihim ng seksyon sa baryo Payapa, Tagkawayan. Bilang isang kadreng lokal, mahusay niyang pinamunuan ang laban ng magsasaka sa lupa. Naglunsad sila ng kilusang masa laban sa panginoong maylupa para sa pagpapababa ng upa sa lupa. Dahil sa kanilang pagkakaisa, kanilang naipagtagumpay ang laban; mula sa 70-30 pabor sa PML, naibaba ito sa 50-50.

Noong 1984, itinalaga siya bilang lider masa sa komiteng magsasaka. Tuloy-tuloy at masigasig siyang gumampan sa rebolusyonaryong tungkulin sa baryo. Isa si Ka Chito sa mga nanguna sa mga tagumpay ng RA (Rebolusyong Agraryo) sa ilang baryo ng Tagkawayan, katulad ng Baryo Payapa, Bamban, Mansilay at bahagi ng Landing, Mapulot at Santo Tomas. Sa tagumpay ng kanilang mga RA, naging masigla ang pagtatayo nila ng kooperatiba sa loob ng GSM (Ganap na Samahang Magsasaka).

Dahil sa kanyang pagiging aktibo sa gawain, hindi rin siya naging ligtas sa panunupil ng mga PC-CHDF*. Matinding mga pagbabanta at panghaharas ang kanyang naranasan.

Noong huling bahagi ng 1984, sa edad na 40, nagpasya siyang magpultaym sa Bagong Hukbong Bayan. Kumilos siya sa Quezon at sa ilang bahagi ng Camarines Norte. Sa loob ng kilusan, kanyang ipinagpatuloy ang mahusay na paggampan sa tungkulin. Kalaunan ay nagpasya ring magpultaym ang kanyang asawa na si Ka Marlyn.

Naging miyembro si Ka Chito ng KT-SMS (Komiteng Tagapagpaganap-Sangay sa Militari Sektor) at tumayong pangalawang kalihim at GP (Giyang Pampulitika) nito. Isang
katangian niya ay ang pagiging seryoso at desidido sa mga gawain, lalo na sa pagbibigay ng mga pag-aaral, propaganda, pag-organisa at pagtulong sa mga gawain ng masa, maging sa produksyon. Malapit siya sa masa, maasikaso sa mga kasama, at ma-kwento. Mahusay din si Ka Chito sa pagharap at paglutas sa mga problema ng masa. Malaki at mahusay ang kakayahan niya sa gawaing pampulitika.

Hulyo 1986 nang kitilin ng mga militar ang buhay ni Ka Chito sa Sitio Balagbag, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon. Habang nakahimpil sa bahay ng masa, kasabay ang ilan pang kasama at asawang si Ka Marlyn, natumbok at pinagbabaril ng mga militar ang bahay. Sa aktwal na labanan, napatay si Ka Chito at ang isang kasama, habang natamaan sa hita si Ka Marlyn at nadakip ng kaaway. Nakatakas naman ang isang kasama.

Maaga mang nagbuwis ng buhay si Kasamang Chito, hindi matatawaran ang kanyang naiambag sa pagpapalaya sa aping mamamayan. Siya’y naging huwaran ng isang mahusay at matatag na kadreng lokal at ng isang pulang mandirigma na mahusay sa gawaing masa. Bilang pagkilala sa kanyang kadakilaan at pagkilos sa probinsya ng Camarines Norte, ipinangalan sa kanya ang komand ng Bagong Hukbong Bayan sa probinsya bilang Armando Catapia Command.
*PC-CHDF (Philippine Constabulary–Civilian Home Defense Force) – katumbas ng AFP–CAFGU sa kasalukuyan

No comments:

Post a Comment