Wednesday, March 1, 2017

LALAKING MAY SAKIT SA PAG-IISIP, DINUKOT AT INAKUSAHANG NPA NG 9TH ID, PA


Noong Pebrero 25, 2017, bandang 11:00 ng umaga, nakarating sa bahay ng pamilyang Alsom sa Barangay Villa Aurora, Capalonga ang mga elemento ng Bravo Company ng 9th ID. Wala silang naabutang tao dito; winasak nila ang pinto, at hinalughog at pinagbabaril ang bahay. Sa panahong ito, ang mag-inang sina Nancy Alsom, 58 taong gulang, at Noel Alsom, 36 taong gulang at may sakit sa pag-iisip, ay naghahapis ng abaka, habang ang amang si Federico Alsom, 64 taong gulang, ay nasa karatig-barangay. Nang marininig ang putukan, nabigla ang anak na si Noel kaya’t bigla itong tumakbo at hindi na natagpuan ng ina.

Kinabukasan, Pebrero 26, bandang 1:00 ng hapon, dumating ang mge elemento ng Bravo Company, 9th ID sa barangay hall. Bitbit ng mga ito si Noel, na nakagapos sa likod ang mga kamay. Ayon sa mga sundalo, ipapa-blotter nila si Noel dahil umamin diumano ito na kasapi siya ng New People’s Army. Subalit tumanggi ang barangay council, sa pamumuno ni Punong Barangay Antonio Obina, at pinabulaanan na kasapi ng NPA si Noel.


Dahil sa pagkabigo dito, dinala na lang ng Bravo Company, sa pamumuno ni 2nd Lieutenant Mario D. Hermo, si Noel sa PNP headquarters sa Bagong Silang, Tagcawayan, Quezon. Dito kinasuhan si Noel ng paglabag sa R.A. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na may rekomendadong piyansang P200,000.


Ang pagdukot at pekeng akusasyong sa mga sibilyan ay matagal nang taktika ng Philippine Army upang maghasik ng takot at ilayo ang mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan. Ipinagpapatuloy ito sa di-makatarungang all-out-war ng mapanlinlang na Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte.


Hanggang ngayon, nasa bilangguan pa rin si Noel Alsom. Nananawagan ang Armando Catapia Commad sa mga human rights workers, health workers, abugado at lokal na midya sa Quezon at Camarines Norte, na tulungan ang maysakit na si Noel nang ma-iatras ang gawa-gawang kaso at mabigyan siya ng hustisya.


Carlito Cada
Tagapagsalita
Armando Catapia Command
New People’s Army – Camarines Norte

No comments:

Post a Comment