Linggo, Enero 31, 2016

Mga Matatagumpay na Aksyong Militar at Pamamarusa, Inilunsad ng Armando Catapia Command – Bagong Hukbong Bayan sa Camarines Norte


Matinding bigwas na mga armadong aksyon ang matagumpay na nailunsad ng Armando Catapia Command laban sa mga pasistang tropa ng 49th IB sa Camarines Norte. Binasag nito ang kahambugan at “psywar” na ipinangangalandakan ng reaksyonaryong gobyerno at militar na ang Camarines Norte ay “manageable conflict area” o na ang BHB sa probinsya ay estratehikong napahina na.

Mayo 25, 2015 Pamamarusa sa Drug Lord. Noong Mayo 25, 2015, bandang alas nwebe ng umaga, isang platun mula sa Armando Catapia Command ng Bagong Hukbong Bayan ang nagsagawa ng pagpaparusa kay Ronnie Habitan, isang taong maimpluwensya at di-magalaw-galaw ng lokal na kapulisan at maging ng mga militar. Isinagawa ito sa isang reyd sa bahay ng naturang drug lord sa mismong poblasyon na malapit lamang sa munisipal hall. Hinatulan siya ng parusang kamatayan ng Rebolusyonaryong Hukumang Bayan dahil sa kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay, drug trafficking, at pangaagaw ng kabuhayan at pagpapalayas sa mga naghahanap-buhay sa paggiginto.


Hulyo 19, 2015 Haras. Sinunog ng mga Pulang mandirigma ang kampo ng Charlie Coy ng 49th IB sa Barangay Dumagmang, Labo habang nasa operasyon ang mga sundalo.

Hulyo 20, 2015 Haras. Siyam ang kumpirmadong patay at isa ang malubhang sugatan sa hanay ng Army at CAFGU sa isinagawang haras sa baryo ng Sta. Elena, Jose Panganiban. Bandang alas-10 ng umaga nang salakayin ng mga pulang mandirigma ang kampo ng CAFGU at 49th IB bilang tugon sa hiling ng taumbaryo na parusahan ang mga abusado at mangingikil na tropa. Sa labanan, namartir si Romeo “Ka Gomar” Gresola, na tubong Bulacao, Gubat, Sorsogon. Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng Armando Catapia Command at National Democratic Front-Bicol sa kanya.

Oktubre 31, 2015 Reyd.* Dakong alas 10 ng gabi, ni-reyd ang isang platun ng 49th IB na nagugwardya sa proyekto ng EUS Constructionna nakabase sa Brgy. Daguit, Labo. Napatay sa labanan angdalawang army at isang civilian armed auxiliary ng 22nd IB habangsugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan.

Oktubre 31, 2015 Ambus.* Dakong alas 11 ng gabi nang pasabugan ng dalawang malalaking command-detonated na bomba ang 2 sasakyan ng kaaway sa Brgy. Talobatib, Labo. Dahil nasapol ito ng pagsabog, maraming namatay at nasugatan sa panig ng kaaway.

*Ang detalye ng mga ito ay nasa susunod na bahagi: Serye ng mga Armadong Aksyon ng BHB sa Bicol

Serye ng mga Armadong Aksyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Bicol, mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 15, 2015, Matagumpay na Inilusad

Naglunsad ng koordinadong mga armadong aksyon ang mga pulang mandirigma ng BHB sa Bicol mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 15, bilang “bigwas sa pagkukumahog ng 9th ID na maihabol sa target nitong “manageable conflict area” ang Masbate at Sorsogon bago sumapit ang eleksyong 2016, habang pinopokusan ang ilang bayan sa ikatlong distrito ng Albay, Libmanan sa Camarines Sur at Labo sa Camarines Norte. Pampulitikang bigwas din ito laban sa pinakamagarbo at pinakamagastos na pasikat sa dayuhang paghahanda sa pulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Nobyembre 16-18. Higit sa lahat, pagpupugay at parangal ito para sa magigiting na kasamang nabuwal sa depensibang labanan sa Juban, Sorsogon.” (Ang Bayan, Nob. 7, 2015)

May kabuuang 21 na iba’t- ibang tipo ng taktikal na opensiba ang naisagawa ng mga pamprobinsyang komand sa ilalim ng Romulo Jallores Command laban sa mga tropa ng 9th ID. Naisagawa ang 2 reyd, 3 ambus, 14 haras, at 2 demolisyon. Nakasamsam ng 2 M14, 3 M16 at 2 cal. 45. Kumpirmadong namatay ang 12 kaaway na militar habang may 15 na sugatan.

Ilang tampok na mga taktikal na opensiba:

Oktubre 24, 2015 Haras sa Camarines Sur. Gabi nang hinaras ng mga pulang mandirigma mula sa Norben Gruta Command ang detatsment ng kaaway sa Bgy. Baya sa Ragay.

Oktubre 25, 2015 Haras sa Camarines Sur. Sa sumunod na gabi, hinaras din and detatsment ng kaaway sa Bgy. Upper Santa Cruz sa Ragay.

Oktubre 28, 2015 Aksyong pamamarusa sa Masbate. 2:30 ng hapon nang parusahan ng Jose Rapsing Command si Jojo Amistoso, alyas “Sipol” na nakatira sa Poblacion 1, Claveria sa Isla ng Burias. Isa siyang masugid na intel ng PNP Claveria at inereklamo din siya ng masa bilang suplayer ng shabu.

Oktubre 31, 2015 Haras sa Masbate. 2:30 ng madaling araw, sikretong nilapitan ng pulang mandirigma mula sa Jose Rapsing Command ang isang seksyon ng Phil. Army na nakabase sa barangay hall sa Brgy. Dayao, Mandaon. Nagsisilbi silang gwardya ng Hi-Tone Construction Company na nagsesemento ng tourism road sa mga barangay ng San Juan o Tulda, Tagpu, Alas at Sitio Bonoco sa Mandaon, Masbate. Hinagisan ito ng isang granada na nagresulta sa 1 patay at 2 sugatan sa hanay ng 9th IB.

Oktubre 31, 2015 Operasyong Sparu (Special Partisan Unit) sa Camarines Sur. 8:30 ng umaga nang isagawa ang operasyong sparu sa Brgy. Pangasoan, Libmanan, kung saan namalengke ang ilang miyembro ng 42nd IB na nagtatayo ng bagong kampo sa Sitio Binubon, Malinao, Libmanan. Namatay ang isang Private First Class at sugatan naman ang isa pa nitong kasama. Nakumpiska ang isang M16, mga magasin at bala.

Oktubre 31, 2015 Haras sa Masbate. Alas 8 ng gabi, Hinaras ng isang tim ng Jose Rapsing Command ang detatsment sa Sitio Guiwanon, Brgy. Danao, San Jacinto, Ticao. 2 bala ng M203 ang sumapul sa kubo ng 9th IB na nagresulta sa 1 patay at 1 sugatan sa hanay nila.

Oktubre 31, 2015 Reyd sa Camarines Norte. Dakong alas 10 ng gabi, ni-reyd ng Armando Catapia Command ang isang platun ng 49th IB na nagugwardya sa proyekto ng EUS Construction na nakabase sa Brgy. Daguit, Labo, Norte. Nagtakbuhan ang mga tropa ng kaaway at iniwan ang mga bangkay ng kanilang kasamahan. Napatay sa labanan ang dalawang army at isang civilian armed auxiliary ng 22nd IB habang sugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan. Nakumpiska mula sa kaaway ang mga sumusunod: 2 M14, mga magasin at bala, 1 M16 kasabay ang mga magasin at bala, 2 cal. 45 kasabay ang mga magasin at mga bala, at iba pang kagamitang militar. Sa hanay ng BHB, 2 kasama ang namartir at isang M16 ang naiwanan sa proseso ng pag-atras.

Oktubre 31, 2015 Ambus sa Camarines Norte. Dakong alas 11 ng gabi nang pasabugan ng dalawang malalaking command-detonated na bomba ang 2 trak ng kaaway mula sa 49th IB, pagdating ng mga ito sa Brgy. Talobatib, Labo. Dahil nasapol ang mga ito ng pagsabog, maraming namatay at nasugatan sa panig ngkaaway. Hindi na isinapubliko ng Army ang impormasyon, subalit alam at usap-usapan na ito ng mga masa sa Brgy. Talobatib at mga kalapit na baryo, pati na ng mga taong-medikal na nakasaksi. Hindi na rin nakalusot ang midya dito dahil mahigit anim na oras na hindi pinadaanan ang highway. Umaga na nang nakalusot ang mga sasakyang publiko dahil nag-”clearing” pa diumano ang Army. Pagkalipas ng ilang araw lang, pinalitan ang commander ng 49th IB na si Lt. Col. Medel Aguilar at itinalaga bilang tumatayong CO si Col.Ferozaldo Regencia.

Oktubre 31, 2015 Demolisyon sa Masbate. Alas 12 ng gabi, ginapang ng 1 Commando Team mula sa Jose Rapsing Command ang safehouse ng Phil.Army 9th IB sa San Jacinto, kung saan may isang section (18 katao) ng kaaway. Pinasabugan ito ng malaking commanddetonated na bomba at pinunterya ng bugso ng putok, na nagresulta sa lubusang pagkawasak ng safehouse. Sa minimum, 4 ang patay, batay sa nakita ng mga residente na inilagay sa nga body bag, habang hindi pa mabilang ang sugatan.

Nobyembre 1, 2015 Demolisyon sa Albay. 8:30 ng gabi nang pasabugan ng Santos Binamera Command ang detatsment ng kaaway sa Brgy. Bascaran, Daraga, sa pamamagitan ng command-detonated na bomba.

Nobyembre 2, 2015 Ambus sa Sorsogon. Lima ang sugatan sa hanay ng PNP Provincial Public Safety Command matapos ambusin habang nakasakay sa kanilang patrol car pagsapit sa Km 12, Brgy. Marinas, Gubat. Tinarget sila ng Celso Minguez Command dahil sa aktibo nilang operasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Nobyembre 9, 2015 Reyd sa Camarines Sur. Dinisarmahan ng mga pulang mandirigma ang coastguard sa Brgy. Guijalo, Caramoan, dahil sa pagpapagamit sa tropang militar. Pinaputukan ang kanilang sasakyan pandagat at nakumpiska mula sa kanila ang 1 M16, mga magasin at bala, at iba pang mahalagang kagamitang militar.

Sa serye ng mga aksyong militar na ito, dalawang kasama ang nabuwal mula sa Bagong Hukbong Bayan sa isinagawang reyd sa Camarines Norte noong Oktubre 31, 2015. Si Ericolo “Ka James” Lombo, tubong Sorsogon, ay tinamaan sa dibdib; habang si Ronnie “Ka Omar” Mien, mula Camarines Sur, ay nabaril din habang sinasagip si Ka James. Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad sa kanila ng Bagong Hukbong Bayan, National Democratic Front at Partido Komunista ng Pilipinas bilang mga huwarang rebolusyonaryong martir. Naglunsad ang mga kasama ng parangal para kay Ka Omar sa kanyang baryo noong Disyembre 19, 2015. Pareho din silang pinarangalan noong Disyembre 26, 2015 sa ika-47 na Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang kanilang pagkamatay ay lalo pang nagpapaalab sa diwang panlaban ng Armando Catapia Command.

(Tinipon ng Istap ng TILAMSIK, ang pangkulturang dyornal ng Armando Catapia Command)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento