Wednesday, November 4, 2015

Serye ng Koordinadong Bigwas laban sa 9th IDPA, Inilunsad ng BHB

Pahayag sa Media
Nobyembre 4, 2015
Apat (4) na matataas na kalibre ng baril, nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan sa inilunsad na koordinadong bigwas ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa labing walo (18) iba’t-ibang tipo ng taktikal na opensiba ng mga pamprobinsyang kumand sa ilalim ng Romulo Jallores Command (RJC) laban sa elemento ng 9th Infantry Division sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyong Bikol.
Isa itong serye ng koordinadong bigwas na sumikad simula Oktubre 25 at umabot nagtapos noong Nobyembre 02, 2015. Umabot sa siyam (9) ang napatay at siyam (9) naman ang malubhang nasugatan sa hanay ng kaaway.
Taktikal na opensibang bigwas sa pagkukumahog na maihabol sa target ng 9th Infantry Division, Philippine Army na maideklarang Manageable Conflict Area ang Masbate at Sorsogon bago sumapit ang eleksyong 2016. Habang patuloy na pinopokusan ang ilang bayan sa ikatlong Distrito ng Albay, Libmanan sa Camarines Sur at Labo, Camarines Norte. Pampulitikang bigwas din ito laban sa pinakamagastos at pinakamagarbong pasikat sa dayuhang paghahanda sa pulong ng APEC sa Nobyembre 16-18, 2015. Higit sa lahat, isang alay pagpupugay at parangal ito para sa mga magigiting na kasamang nabuwal sa depensibang labanan sa brgy Tinago, Juban, Sorsogon noong Oktubre 21, 2015.
Probinsya ng Masbate:
Oktubre 31, 2015 – Alas-8:00 ng gabi, hinaras ng isang tim ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng 9th Infantry Battalion na nakabase sa Brgy. Danao, San Jacinto, Isla ng Ticao Masbate. Kasabay nito, bandang alas-12:00 ng hatinggabi, hinaras din ng isang yunit ng BHB ang Headquarter ng Battalion Recon Company sa Sityo Catindong, Brgy. Maingaran, Masbate City. Isang sundalo ang napatay at isa ang sugatan mula sa hanay ng kaaway.

Samantala, alas-2:30 ng madaling araw, hinagisan ng granada ng BHB ang Brgy. Hall ng Brgy. Dayao, Mandaon, na hinihimpilan ng isang seksyong ng militar na nagwardiya sa Hitone Construction Company, na nagpapatrabaho sa kalsada. Dalawa (2) ang agarang namatay at isa (1) ang malubhang nasugatan sa hanay ng militar.
Nobyembre 01, 2015 -Alas-12:00 ng umaga, matagumpay na naidikit at napasabog ng Command Detonated Explosive ng isang tim ng pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ang safe house ng 18 kataong myembro ng 9th IBPA sa Brgy. Poblacion, San Jacinto Isla ng Ticao Masbate. Matapos na pumutok ang bomba, sabay-sabay na pinaputukan ng BHB ang nasabing safehouse ng 9th IBPA. Apat (4) ang naiulat na patay habang di mabilang ang naging kaswalti sa hanay ng tropa ng militar.
Probinsya ng Sorsogon:
Nobyembre 2, 2015 alas-2:45 ng hapon inambus ng Celso Minguez Command (CMC) ang PNP Patrol ng Gubat, Sorsogon sa baranggay Marinas papasok sa nasabing munisipyo. Limang (5) pulis ang sugatan at dalawa (2) ang patay matapos ang nasabing ambus. Kinilala ang mga nasugatang tropa ng PNP na sina SPO1 Ronald Din, PO3 Aris Hasal, PO1 Gerry Gabuyo, PO2 Dennis Garbida at PO2 Sheryl Marbella.
Probinsya ng Albay:
Nobyembre 01, 2015 – Alas-8:30 ng umaga, hinaras ng isang tim ng Santos Binamera Command (SBC) ang detatsment ng 2nd Infantry Battalion, Philippine Army na nakabase sa Brgy. Bascaran, Daraga, Albay. Kasabay din nito, sa magkahiwalay na operasyon, inilunsad ng BHB ang operasyong demolisyon sa Brgy.Villahermosa, Daraga, Albay laban sa myembro ng Provincial Public Safety Company (PPSC) na nakabase sa nasabing lugar.
Probinsya ng Camarines Sur:
Oktubre 25, 2015– Alas-9:00 ng gabi, matagumpay naman hinaras ng isang tim ng Edmundo Jacob Command ang detatsment ng 22nd Infantry Battalion sa Brgy. San Pedro, Iriga City na matagal nang namumugad at nang-aabuso sa nasabing lugar.
Oktubre 28, 2015-Alas 8:00 ng umaga: Inisparo ng tropa ng Norben Gruta Kumand-BHB si Private First Class Edmol Rey C. Caceres, mula sa tropa ng Charlie Company na nakadistinong gwardiya sa mga proyektong kalsada para sa dayuhang pagmimina at eko-turimo ng pamahalaan sa probinsya sa Pag-oring, Libmanan. Nasamsam ng BHB ang ripleng M16 samantalang walang nagawa ang tropang kinabibilangan nito. Sa parehong petsa, isinagawa ang operasyong haras ng BHB laban sa isang yunit ng 42nd IBPA na humihimpil sa baranggay hall at loob ng baryo sa Brgy. Bilwang sa bayan ng Lupi, Camarines Sur.
Oktubre 31, 2015 muling inulit ang panghaharas ng mga pulang mandirigma ng Edmundo Jacob Command ang tropang nagsasagawa ng patrulya mula sa brgy San Pedro, 22nd IB Detachment sa Iriga City. Kasabay ng nasabing bira, hinaras naman ng yunit ng Norben Gruta Command ng BHB ang isang yunit ng 42nd IBPA na mag-iisanglinggo nang humihimpil sa mga kabahayan at brgy Hall ng baryo Calabnigan at Villa Socorro sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur. Tugon ito sa reklamo ng mga taumbaryo laban sa tropang nagsasagawa ng PDT dahil nakakaistorbo sa pribadong aktibidad ng mamamayan, nakaabala sa gawaing produksyon at naghahasik ng takot sa posibleng abusong likhain ng kanilang pananatili sa baryo.
Probinsya ng Camarines Norte:
Oktubre 31, 2015 – Alas-11:00 ng gabi nireyd ng isang platun ng Armando Catapia Command (ACC) ang tropa ng 49th Infantry Batallion na nagsisilbing gwardiya sa patrabahong tulay ng EUS Construction sa brgy Daguit, Labo, Camarines Norte. Sa nasabing labanan, nasamsam ang dalawang (2) M14 at isang (1) M16 riple mula sa tropa ng mga kaaway. Napatay sina Pvt. Reymark Camila Regore ng 49th Infantry Battalion at Anthony Aceron mula sa Civilian Armed Auxiliary 22nd IB habang sugatan si Pfc. Jhelor Caranzo sa nasabing labanan.
Hindi maiibsang balon ng mga pulang mandirigma at kadreng militar ang malawak na kanayunan sa paglulunsad ng mga taktikal na opensibang magpapahina sa naghaharing sistemang nang-aapi at nagsasamantala sa mamamayan. Sa bawat pagkabuwal ng ilang mga kasamang nag-aalay ng buhay ay maraming mamumulat at magpapasyang humawak ng armas dahil nagdudumilat ang katotohanan na naghahari ang kasakiman ng Imperyalismong US-Aquino at mga tagapagtaguyod na narco-politician sa rehiyon. Ang Asia Pacific Economic Cooperation ay isa lamang moro-moro para bigyan ng daan ang neoliberal na programa ng US sa Pilipinas at Asya Pasipikong matagal nang nangdadambong sa likas na yaman at lakas ng mamamayan. Lulupigin ang mga bayarang opisyal at sundalo ng sandatahang lakas ng Pilipinas na tagapagtanggol ng mga dayuhan, panginoong maylupa at malaking burgesya komprador sa bansa.
Mabuhay ang Rebolusyon!
Ka Maria Roja Banua
Tagapagsalita
National Democratic Front -Bicol
Basahin sa: https://ndfbicol.wordpress.com/2015/11/03/serye-ng-koordinadong-bigwas-laban-sa-9th-idpa-inilunsad-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment