Lunes, Hulyo 20, 2015

Parangal kay Romeo "Ka Gomar" Gresola

Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng NDF-Bicol kay Romeo Gresola o kasamang Gomar ng Armando Catapia Command sa pagbuwis niya ng buhay kaninang alas 10 ng umaga sa Brgy. Sta. Elena, Panganiban, Camarines Norte. Inatake ng mga mandirigma ng ACC ang kampo ng CAFGU at 49th IB bilang tugon sa hiling ng mga tagabaryo na parusahan ang mga abusado at mangongotong na Cafgu at sundalo. Siyam (9) ang kumpirmadong patay at isa (1) ang malubhang sugatan sa hanay ng mga Cafgu at sundalo. Sa proseso ng labanan ay tinamaan si Ka Gomar at namartir.
Tubong Bulacao, Gubat, Sorsogon si Ka Gomar. Inalay niya ang kanyang buong buhay para sa rebolusyonaryong mithiin ng mamamayan na makaalpas sa labis na kahirapan at pang-aapi.
Mahusay na pulang kumander si Ka Gomar na nag-ambag ng kanyang husay at talino upang mapahigpit pang lalo ng NPA-Camarines Norte ang ugnay nito sa masa bilang kanilang sariling hukbo. Malaki din ang kanyang naging papel upang sa wakas ay maparusahan na ang pusakal na druglord at mangangamkam ng lupa na si Ronnie Habitan.
Samantala, ayon sa pinakahuling ulat ng Armando Catapia Command, sinunog kahapon, Hulyo 19, bandang alas 10 ng umaga, ng mga pulang mandirigma ang kampo ng Charlie Coy ng 49th IB sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte habang nasa operasyon ang mga sundalo. Natupok ang mga kubo ng 49th IB na matagal nang inirereklamo ng mga taumbaryo dahil itinayo ang kampo ilang metro lamang ang layo sa mga kabahayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento