Saturday, April 5, 2014

Pagbabayaran ni 1st Lt Ardedon ang mga Kaso sa Pagdukot at Pagpaslang kay Kasamang Aldrin Briones Rabulan o Ka Singkit


Pahayag sa Midya
Abril 4, 2014
Pormal na iniaanunsyo ngayon ng National Democratic Front-Bicol ang pagsasampa ng kaso sa Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa rehiyong Bikol laban kay 1st Lt Howard A. Ardedon ng Bravo Coy 49th Infantry Battalion Philippine Army.  Pananagutan ni Ardedon ang sumusunod na mga kaso:
  1. Iligal na pag-aresto at pagdukot kay Kasamang Aldrin Briones Rabulan (Ka Singkit) noong madaling araw ng Disyembre 5, 2013;
  2. Pagpaslang sa nasabing kasama sa kabila ng pagiging hors de combat (kawalan ng kakayahang lumaban) nito dahil sa kaniyang malubhang karamdamang Slipped Disk.
Ang naturang mga kaso ay hayagang bumalga sa mga batas ng digma na isinasaad sa Geneva Conventions, Protocol II at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na naggagarantiya sa wastong pagtrato sa sinumang nabihag sa digmaan (prisoners of war) at nagbabawal ng pagpatay o pananakit sa mga sumuko at mga sundalong hindi na makagampan sa paglaban (hors de combat).
Mahigpit ding pinabubulaanan ng NDF-Bicol ang hinabing kasinungalingan ng ni 1st Lt. Ardedon na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng New People’s Army at kanilang tropa sa Baranggay Tomagoktok, Del Gallego Camarines Sur noong Disyembre 5, 2013.
Matapos ang masusing imbestigasyon sa nasabing pangyayari, napatunayan na si Aldrin Briones Rabulan, 44 taong gulang o Ka Singkit ay dinukot  sa bahay ni Kagawad Aquino Salcedo sa Brgy Palaspas, Del Gallego, alas-3 ng umaga noong Disyembre 5, 2013. Sapilitang pinasok ang bahay ni Kgd Salcedo, naghalughog , at tinukoy ang taong nakitulog na si Aldrin, na noo’y nagpapagaling dahil sa kanyang malubhang karamdamang Slipped Disk. Agad na pinadapa si Ka Singkit at iginapos ang kamay sa likod sa pamamagitan ng tali ng duyan ng masa. Sinamsam mula kay Ka Singkit ang kanyang serbis na pistola, laptop, cellphone, pera at personal na kagamitan sa loob ng humigit-kumulang 30 minuto. 
Dinala si Ka Singkit ni 1st Lt Howard A. Ardedon at ng kanyang tropang bumibilang sa 15 tauhan patungong Brgy Tomagoktok, Del Gallego, ilang kilometro ang layo mula sa Brgy Palaspas. Pagsapit sa lugar bandang alas-4 ng umaga ay binaril siya sa tuhod, hita, beywang at dalawang patama sa likod sa gitnang bahagi ng gulugod na siyang ikinamatay nito.
Upang pagtakpan ang kanilang krimen, tumawag kay SPO4 Adulta AR Jr ng PNP Del Gallego si 1st Lt Howard A. Ardedon at pina-blotter para imbestigahan umano ang hinabing kasinungalingan na nagkaroon daw ng engkwentro sa nasabing lugar. Bago ito, tiniyak ng mga berdugo na ang .45 kalibre pistola ni Ka Singkit ay nakasaksak ang magasin at nakabukas ang bolt upang palabasin na nagkaroon ng labanan at napatay umano si Ka Singkit sa ganitong mga sirkumstansya.  Hindi na rin sinaklaw ng imbestigasyon ng PNP kung anong klaseng baril, bala at kanino galing ang balang pumatay sa kasama na siya sanang dagdag na magpapatunay sa nasabing kasinungalingan. Hindi rin totoo na may tropang kasama si Ka Singkit na aabot sa 20 tauhan liban sa ka-buddy nito na natulog sa ibang bahay.  Lalong hindi totoo na may nakuha pang shotgun sa lugar, taliwas sa sinasabing nagkaroon ng maikling palitan ng putok pero ang nakuhang basyo ng bala naman ay galing lang sa .45 caliber at shotgun. Ninakaw din ni 1st Lt Howard A. Ardedon at ng kanyang tropa ang pondo ng kilusan na hawak ni Ka Singkit nang sadyang hindi inilagay sa kanilang ulat ang halagang nakuha nila.
Walang ibang buhay na saksi sa nasabing krimen kundi mismo ang kanilang sarili at hindi nila matatakasan ang katotohanang ito.  Tumitestigo sa nasabing insidente ang mga taga-barangay sa ginawang pagdukot at kawalan ng engkwentrong naganap sa kanilang lugar.  Wala itong pinagkaiba sa maraming pangyayari ng pandurukot sa walang kalaban-labang mga kasama tulad ng nangyari kina Rogelio Calubad (Ka Mading at anak nito na si Gabriel), Ka Jara, Ka Poldo at Ka Berning.
Sa kabila ng nasabing pangyayari, ang NDF at CPP-NPA ay mahigpit pa ring tatangan sa mga alituntunin sa digma ng New People’s Army at magrerespeto sa mga batas ng digma ng internasyunal na mga kumbensyon at pinagkasunduan ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), tulad ng CARHRIHL na pinatunayan na sa maraming pangyayari sa rehiyon at bansa sa mga naging bihag nito sa labanan.
Wasto lamang na kasuhan ang berdugong si 1st Lt Howard A. Ardedon at ang tropa nito sa kanilang hukuman, sa internasyunal na hukuman na dapat sanang nirerespeto nila, at sa CARHRIHL na kasunduang pirmado ng GPH at NDFP.   Magkagayunman, makakamtan din ni 1st Lt. Howard A. Ardedon at ng kanyang mga tropang imbwelto sa krimen ang angkop na kaparusahang dapat igawad sa kanila sa tamang panahon mula sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang rebolusyon!

Ka Maria Roja Banua
Tagapagsalita, NDF-Bicol

 https://ndfbicol.wordpress.com/2014/04/04/pagbabayaran-ni-1st-lt-ardedon-ang-mga-kaso-sa-pagdukot-at-pagpaslang-kay-kasamang-aldrin-briones-rabulan-o-ka-singkit/

No comments:

Post a Comment